Pasensya na, minsan lang ako magsulat sa wikang Filipino, balu-baluktot pa. – Marocharim
“Totoong tao.” “Matapang.” Ilan lamang iyan sa mga bansag ngayon sa isang taong dati nating kilala bilang Rustom Padilla. Ngunit ayon sa babae sa telebisyon, “patay” na daw si Rustom; ang dati nating kinikilalang makisig at matipunong bida ay ngayon naging bidang bading… transgender… kung anuman ang kanyang sekswalidad. Ang pagpapakatotoo niya: hindi siya si Rustom, kundi si “Bebe Gandanghari.”
Hanga ako kay Rustom. Di madaling bagay na maging isang bading- o transgender – sa isang lipunang kumukutya sa mga taong hindi maikakahon sa “lalake” o “babae.” Naniniwala akong matagal na proseso at pag-iisip ang kanyang dinaanan, at hanga ako na bagamat siya’y kutyain, siya’y naninindigan sa kanyang ginawa. Iiwan ko na lamang kay Rustom – kay Bebe – ang kanyang pansariling dahilan sa kanyang desisyon sa buhay. Wala akong hinihingi para sa kanya kundi ang kanyang kalusugan.
Ngunit sadyang nakalulungkot isipin na ang pagpapakatotoo niya – bilang isang babae – ay siya lamang “pagpapakatotoo” ng aking pagiging isang “hipokrito.” Kailan nga ba ako magiging “totoong tao?” Kailang nga ba ako magiging “totoo?” Ang katotohanan nga ba ng aking pagkatao ay nasusukat sa aking sekswalidad?
Magiging totoong tao ka nga ba kung ikaw ay umamin at lumantad sa pagiging isang bading? Ang sekswalidad nga ba ng isang tao ang siyang tanging sukat ng pagkatao?

