Muli akong nagpapaumanhin sa anumang pagkakamali ko sa paggamit ng wikang Filipino sa maikling kuro-kurong ito, ngunit naniniwala akong dapat isulat ang talang ito sa wikang Filipino. Anyway, translation follows. – Marocharim
Tungkol sa Orihinal na Musikang Pilipino
Iniutos ni Pangulong Aquino na muling ipatupad ang Executive Order No. 255, na kung saan dapat magpatugtog ng apat na awiting Pilipino ang mga istasyon ng radyo sa Pilipinas kada oras sa kanilang mga programang pang-musika.
Hindi layunin ng koryong ito na makipagtalastasan tungkol sa kung ano nga ba ang “awiting Pilipino” na ipaloloob sa debate ng kabihasnan at nasyonalidad, ngunit hindi ito maiiwasan. Hindi maipagkakaila na marami sa ating mga magagaling na mang-aawit ay bihasa sa mga awiting banyaga, sa mga cover version o sa revival, o di kaya’y sa pagsasalin (tulad ng inyong lingkod, bagamat hindi ako mang-aawit). Maaari ding ipahayag na walang “orihinal na awiting Pilipino,” hindi dahil sa usapin ng kabihasnan, ngunit tungkol sa mga katangian ng makabagong OPM na di mapagkakailang halaw sa mga istilo ng banyagang kompositor at mang-aawit.
Para sa akin, ang konsepto ng OPM ay mga istilo at porma ng musika na bahagi na rin ng iba’t-ibang kultura sa Pilipinas, gamit ang kanilang mga instrumento, wika, at pananaw. Ang musika ay bahagi ng ating kuwento at kasaysayan; bagamat ikinalulugod nating pakinggan ang mga awitin ng ibang bansa, hindi dapat natin kalimutan o di kaya’y kasuklaman ang mga awiting atin.
Bagamat dapat purihin ang layunin ng EO 255, naniniwala pa rin ako na ang musika ay isang personal na kagustuhan, libangan, o di kaya’y kahalingan. Naniniwala po ako na hindi solusyon sa sitwasyon ng OPM ang pagsasabatas na dapat makinig at magpasahimpapawid ang mga istasyon ng radyo ng mga awiting Pilipino. Sa aking palagay ay walang batas sa mga istasyon ng radyo na pumipigil sa mga empleyado nito na magpatugtog ng awiting banyaga. Sa aking hamak na pagpapalagay ay taliwas sa napakapersonal na karakter ng musika na ipilit na ipasahimpapawid ang mga awiting sadya naman ayaw pakinggan ng makikinig, o di kaya’y hindi bagay sa imahe ng istasyon.
Nakalulungkot na isipin na ang isang instrumento ng kalayaan – ang musika – ay ginagamit sa isang mapagpilit na paraan.
Isa akong masugid na tagapakinig ng musikang Pilipino, at kung kailangan man ay narito ako para ipahayag ang kagandahan ng ating musika, at kahusayan ng ating mga artista at ng industriya ng musika sa Pilipinas. Ngunit ang ating sariling panlasa at pagkatig sa musika ay mga suhestiyon lamang sa gustong makinig. Naniniwala ako na mas mapapasigla ang OPM kung ito ay may matibay na pundasyon; kung mamumuhunan ang pamahalaan sa mga istasyong pag-aari nito at patuloy na magpatugtog ng OPM. Lalung-lalo na, kung ito ang mangunguna sa pagtangkilik sa OPM. Sa pamamagitan ng de-kalidad na mga istasyon, na may makabagong kagamitan at mga dalubhasang empleyado, ay mas epektibong maibabahagi sa sambayanan ang kagandahan ng ating mga awitin, at kagalingan ng mga mang-aawit, kompositor, at manunulat sa industriya ng musika sa Pilipinas, sila ma’y nagsisimula pa lamang o batikan na sa larangan.
Hamon na rin sa kinapipitagang industriya ng musika sa Pilipinas na patuloy na gumawa ng mga de-kalidad na awitin; hindi natitigil sa kung anuman ang uso o di kaya’y kung anumang revival ang kikita. Ang musika ay hindi idinidikta, kundi pinakikinggan: kung maganda ang awitin ay tiyak na ito’y pakikinggan. Muli, bagamat ang layunin ng kautusang ito ay kapuri-puri, ang pagsasapraktika nito ay sumasagi sa ating sariling panlasa – at sa isang kaduluhan, ang ating mga karapatan – na mamili kung ano ang musikang ating kinahuhumalingan at pinakikinggan. Ang sagot ay nasa mga prayoridad ng pamahalaan at sa industriya na mismo, at hindi sa sapilitang pakikinig sa awiting atin.
Translation after the break.
Continue reading →