Mapulang Bahid

Note: So apparently, my last blog entry, The Crimson Stain, went “viral.” Now that idea, if you know me well enough, is sort of ironic (given how much I don’t like the word, and I’m really timid IRL). But it kinda warms the cold, cold heart to know that a lively discussion was fostered, and for the most part the discussion was quite civil. And quite a lot of you agreed with me.

And quite a lot of you requested for the thing to be translated (or written) in Filipino.

Now I’m not a particularly good translator (unless you talk about lyrics, although if you follow me on Instagram you probably have an idea how I prefer to translate things), and my command of Filipino is quite wonky at best, but I’ll try to take a crack at translating the blog entry myself.

And thanks so much, everyone. Many thanks, in particular, to Raissa Robles for pointing a lot of important details out to me (details that, regrettably, I missed out on. My apologies.).

Here it is. Pardon the imperfections.

*****

Hindi pulang terno ang suot ni Imee Marcos. Ito ang bundok kung saan nila pinatay si Macliing Dulag. Mabilis na dumanak ang kanyang dugo mula sa mga bulubundukin ng Cordillera, tulad ng kanyang hangaring malayang dumaloy ang tubig sa Ilog Chico. Hanggang sa kanyang huling hininga, tinutulan ni Dulag ang pagpapatayo sa isang proyektong nagbabanta sa buhay ng kanyang mga kababayan, na nagmula sa kamay ng isang diktador na nagngangalang Ferdinand Marcos.

Hindi iyon ang anyo ni Imee Marcos, na nakade-kwatro’t linaladlad ang kanyang makinis na binti. Nakita din naman ng ilan ang binti ni Emmanuel Lacaba—nakatali, nakagapos—habang siya’y hinila papunta sa kanyang huling hantungan. Noong 1976, dinakip si Lacaba, kasama ng isang 18-anyos na kasamang buntis, at binaril ng dalawang beses gamit ang isang .45 na bala. Ang kanyang kasalanan: magsulat ng mga akdang tumututol sa isang diktador na nagngangalang Ferdinand Marcos.

Hindi marangyang bestida ang suot ni Imee Marcos, at lalung-lalo nang hindi nito nilalantad ang kanyang kaakit-akit na hubog. Sa halip, itinatago nito ang karumal-dumal na pagpaslang kay Edgar Jopson noong 1982. Dinakip siya sa Davao, ngunit walang-awang pinatay. Siyam na bala ang pumatay kay Edjop: mga balang tumagos sa kanyang dibdib, sa kanyang mga braso, sa kanyang mga binti. Isa siyang anak ng tindero na naging isang bilang lamang sa isang napakahabang talaan ng paglalapastangan sa karapatang pantao noong Dekada 70 at 80, nang dahil kanyang nakamit ang pagkamuhi ng isang diktador na nagngangalang Ferdinand Marcos.

Hindi iyon ang pagmumukha ni Imee Marcos, na dahan-dahang inayos. Iyon ang mga pader na bigla-biglaang itinayo sa mga bangketa sa tuwing may dadaang mahalagang bisitang tutungo sa Malacañang. Iba’t ibang gusali’t bantayog ang tinayo sa bawat sulok ng Pilipinas para ipagdiwang ang “Bagong Lipunan,” at ang mga maralita’y itinaboy o itinago mula sa mata ng mga panauhin ng Pangulo. Kung sa bagay, hindi katanggap-tanggap na may makita silang dukha o nagugutom, lalo na’t kung narito sila para sa mang-aliw—at maaliw—sa isang diktador na nagngangalang Imelda Marcos.

*****

Hindi tayo mayayaman o mga tagasunod ng alta-moda: hindi tayo ang sinusuyong mambabasa ng isang magasin para sa mga naghaharing-uri. Nariyan ang mga diyaryo’t website para ating basahin, at ang mangilan-ngilang magasin sa tabi-tabi: wala sa ating kailangang magbasa ng Philippine Tatler.

Baka rin naman sobra naman tayong makaramdam ng pagkamuhi: sino ba naman ang makapagsasabing di sila nagagandahan kay Imee Marcos sa kanyang edad? Siya na mismo ang nakakasunod sa uso, o di kaya’y nakakagawa ng uso. Siya na mismo ang sukatan ng nauuso nang halos walang pagpipilit (huwag na nating isipin ang pagpaparetoke, atbp.).

Si Senador Bongbong Marcos—siya na mismo na nakahanap ng apdo para tumakbo para sa pagka-bise Presidente—ang nagpahayag na walang Pilipinong nag-aabala sa kasaysayan, ngunit sila’y mas naaabala sa kasalukuyan. Kalimutan na nating binabayaran pa rin natin ang utang ng bayan noong panahon ng kanyang ama, at may naiiwan pa ring mga bakas ng pandarambong sa bawat pampublikong institusyon sa Pilipinas. Iyon din siguro ang ating masasabi kay Imee Marcos: hindi dahil siya’y isang anak ng diktador ay ibig sabihin hindi na siya maaaring pagbigyan sa kanyang pagnanasang maging “style icon.” Para sa mga Marcos, nangyari na ang nangyari.

Ngunit tama ba ito? Kung magsusuri tayo ng malinaw at matino, hindi maaaring makita ang mga Marcos sa isang photo shoot, at lalo nang di sila maaaring makapagbigay ng mga talumpati sa Maynila. Siguro dapat silang nabubulok sa bilangguan, naghihirap tulad ng kanilang pagpapahirap sa mga Pilipino sa ilang dekada ng paniniil. Ang panahon ng kanilang diktadurya sana’y naging isang mahigpit na leksyon kung bakit hindi maaaring maghari ang panunupil at pang-aapi sa taumbayan. Ngunit sa bawat saglit na malayang nagmamarangya ang mga Marcos ay isang himok ng pagkalimot: pagpayag na sila’y mahalintulad sa mga inaaping bayani, na ang “maayos na pamamalakad ng mga Marcos” ay katotohanan, at malaya silang maging bahagi ng mismong sistemang kanilang dinungisan, sinira, at binahiran ng kurapsyon sa napakahabang pagkakataon.

*****

Madalas nating gamitin ang salitang Ingles—“impunity”—bilang pagbubuod sa lahat ng kahinaan at kabiguan ng pamahalaan, ngunit walang isang pangangatawan sa pulitika na huwaran nito tulad ng mga Marcos. Ang impunity ay laging kaakibat ng kawalang-hiyaan: ang walang-habag na panlalait na kasama ng pagpapakalat ng pang-aapi, ng pag-abuso sa karapatang pantao, ng pagpapatibay ng kurapsyon sa demokrasya ng Pilipinas.

Ang kawalang-hiyaan na ito ang dahilan kung bakit narito’t lumalago pa rin ang mga Marcos. Kung tutuusin, tinatapon ang mga diktador sa basurahan ng kasaysayan. Ngunit hindi ito totoo para sa mga Marcos: nang dahil sa kawalan ng hustisya, kaya pa rin ni Bongbong Marcos na umakyat sa entablado at magkunwaring may dilang pilak tulad ng kanyang ama, at magtawag ng “rebolusyon” habang kinakalimutang rebolusyon mismo ang nagpabagsak sa diktadura ng kanyang pamilya. Nang dahil sa kawalan ng hustisya, maaari pa ring mag-ilusyon si Imee Marcos na mayroon siyang ipinamanang maayos na serbisyo sa taumbayan, at ang “anino ng kanyang mga magulang” ay dagdag na patunay lamang sa kanyang pagiging isang “style icon.” Nang dahil walang hustisya, maaaring isantabi na lamang ng pamilya Marcos ang kanilang mga pagmamalabis, at ligawan ang botante gamit ang mga artista at isang kasaysayang iniba at pinagtakpan. Gusto nilang isipin natin na disiplina ang kailangan. Gusto nilang isipin natin na ang buhay sa ilalim ng mga Marcos ay ginintuang panahon. Gusto nilang isipin natin na ang muling pagtatayo ng demokrasya ay walang saysay, hanggat magkaroon tayo ng mga malalakas at matatatag na pinuno: at nakabubuti kung sila’y nagngangalang Marcos.

*****

Wala sigurong demokratikong bansa sa mundo na nakapagpatawad, naawa, at nakatanggap ng dating maniniil tulad ng Pilipinas. Baka sadya tayong mapagpatawad. Baka mali ang turo sa atin ng kasaysayan: mas mahalaga sigurong tandaan ang mga pangalan at petsa, sa halip na suriin ang mga pangyayari. Kasama na rin siguro dito ang ating pagkainip—at kawalan ng kasanayan—sa pagsasaayos at pagpapatibay sa mga bahagi ng demokrasya. O baka nahihilig at nahuhumaling ang ating mga pulitiko na magkapit-tuko sa anumang uri ng puhunang pulitikal, mapanuya man ito o mapagkunwari (tulad ng pagtatanggol ni Bongbong Marcos sa SAF 44, o ang pagsuporta ni Imee Marcos sa sining). O baka naman para sa kanilang nagtataguyod pa rin sa bandera ni Marcos, mas gugustuhin natin ang harap-harapang pandarambong kaysa sa pagnanakaw na nakakubli sa ngalan ng demokrasya.

O baka naman sadyang maraming tanga na nakapaligid sa atin, tulad na rin ng mga diktador na umaaligid sa atin.

Malaking tungkulin ang napapabatid sa atin, isang tungkuling mas mahalaga pa sa pagboto. Tungkulin nating siguraduhing sumulong ang kasaysayan. Tungkulin nating siyasatin ang mga pangyayari sa likod ng nakakahalinang mga guniguni, at siguraduhing ang kasaysayan—ang bawat pagkakamali at panghuhusga—ay di mauulit muli. Ipinapahiwatig sa atin ng kasaysayan na hindi maaring maging “style icon” si Imee Marcos, ngunit siya ang supling ng isang diktador na kasangkot sa pagmamalabis sa kapangyarihan. Ipinapahiwatig sa atin ng kasaysayan na hindi maibabalik ni Bongbong Marcos ang “paraiso” na naranasan natin sa ilalim ng pamumuno ng kanyang ama, kung alam naman natin na ang paraisong ito ay yari sa pandarambong at pamamaslang. Walang bagay—wala sa naghaharing-uri, wala sa mga taga-suporta ni Marcos, wala sa kanilang nagbubulag-bulagang nagtatanggol sa Batas Militar—ang dapat humarang sa ating pag-unawa kung bakit natin kailangang tumanggi laban sa pagbangon muli ng mga Marcos, at kung bakit natin silang kailangang purgahin sa sistema ng ating pulitika.

*****

Sapagkat hindi iyon si Imee Marcos sa litrato, nakayapak, nanghahalina sa kung sinuman ang nagbabasa. Iyon ang mga paa ng isang milyong Pilipinong dumanas ng taggutom sa Negros, at higit pa sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Sa ilalim ng ginintuang paraiso ni Marcos, sila’y nagdusa, nabuhay sa abuloy at rasyon, naglakad sa lupang tuyo at uhaw. Lahat nito’y nangyayari habang nakikipagsalo si Imelda sa Malacañang at napaliligiran ng mga sikat at ng mga tanyag, habang si Ferdinand ay nakikipagsabwatan sa kanyang mga katoto sa pamahalaan. Lahat nito’y nangyayari habang nangongolekta si Imelda ng libu-libong sapatos, at inabot ang tala ng kanyang mga pangarap habang napipinsala ang kabataan ng tagsalat. Silang mga kabataang linakad ang tigang na lupa para ilibing ang yumaong sanggol.

Ang sanggol—na tulad nila Apo Macliing, Edjop, Eman Lacaba, Liliosa Hilao, Lorena Barros, Juan Escandor, at libu-libo pa—na nag-iwan ng mapulang bahid sa lupa, na hindi malayo sa kulay ng terno ni Imee Marcos.

*****

Ilang sanggunian

UCAN Special Report, “What’s Behind the Negros Famine Crisis,” 9/11/1985 

Caroline Kennedy’s blog, on articles tagged “Imelda Marcos” 

Xiao Chua, “TORTYUR: Human Rights Violations Under the Marcos Regime” 

Alfred McCoy, “Dark Legacy: Human rights under the Marcos Regime,” 9/20/1989 

Alan Robles, “What Martial Law Was Like,” 3/27/2000

Pacifiqa, “Never Again: six stories that recount the dark days of Martial Law” 

Alexander Martin Remollino, “Torture Methods and Torturers of Martial Law,” in Bulatlat.com

Image sourced from the Philippine Tatler’s Facebook page

2 comments on “Mapulang Bahid

  1. -

    family of CHEATERS, THIEVES 7 LOOTERS.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *