"Land of Bondage" Translated

Lupain ng Pagkaalipin, Lupain ng Kalayaan
Isang pagtatangka sa pagsasalin ng “Land of Bondage, Land of the Free” ni Raul Manglapus

Noong araw, may pag-aari ang Tao na kapirasong lupa.  Iyon lamang ang kanyang pag-aari.  Ngunit iyon ay kanyang minahal, sapagkat ibinigay nito ang tatlong bagay na kanyang ikinalulugod: unang-una’y kabuhayan, at kalayaan, at di papahuli, kaligayahan.

Isang araw, dumating ang Kastila at siya’y inutusang magbayad ng papuri’t parangal sa Hari ng Espanya.  Nagbayad ang Tao.  Siya’y nanahimik; sapagkat sigurado siyang siya pa rin ang nagmamay-ari sa kanyang lupa.

Yumaman ang Kastila.  Ngunit kasabay ng kayamanan ang panghihimasok ng kasamaan, at ang Tao’y muli niyang nilapitan.  Ipinahayag niya sa Tao ang isang mabigat at kakila-kilabot na kasulatan: “Naaayon dito sa decreto real, na sa kasamaang palad ay di mo mabasa at maintindihan, ang ibinabayad mo sa akin ay hindi pagkilala ngunit upa, sapagkat akin – hindi iyo – ang lupa.”  Nagbayad ang Tao at nanahimik na lamang: hindi na siya malaya.  Siya’y naging alipin.  Sa kabila ng lahat nito, nanatili ang katahimikan ng Tao.  Pataas ng pataas ang upa.  Nagutom ang Tao.

Ngayon, siya’y nagsalita.  Hindi sa wika o sa bukambibig, ngunit gamit ang kanyang karaniwang kagamitan na ginamit niya sa lupaing dating kanya: ang bolo.  Mula sa isang kasangkapang pambukid, ang bolong ito ay naging instrumento ng kamatayan, at gamit ito’y itinaboy ang banyaga.  Siya’y nagbalik sa kanyang bukid at kanyang sinabi: “Ngayon ako muli ang magiging panginoon ng lupaing ito, na minsa’y akin, ngunit ninakaw sa akin ng panlilinlang at pandaraya ng mga taong mas matalino at mas may pinag-aralan kaysa sa akin.”

Nagkamali ang Tao.  Ang lupang sa kanya lamang ay may bago nang nagmamay-ari.  Ngayon, hindi dayuhan ang nagmamay-ari ng kanyang lupa, ngunit ang kanyang kababayang naging mayaman.  Nagkaroon ng bagong pangalan ang Tao – Kasama – na sa atin ay nangangahulugang kasosyo o kaakibat, ngunit sa kanya’y mga pagdurusang kagaya din ng dayuhan: mga upa, pandaraya, at kung anu-ano pa.

Oo nga’t nagbalik ang Tao sa kanyang lupa na nagbabakasakali’t siguradong siya’y malaya na, ngunit dahan-dahan niyang napagtanto na siya’y bilanggo pa rin.  Ang kanyang bilangguan: isang barung-barong na may dalawang silid, sadyang kay taas na upa, wala man lang kaginhawaan kundi na tatlong pamilya nang dating nakatira doon ay tanging may karapatang magutom.  Ang bahay ng Tao ay ang kanya na ring bilangguan.  Ang mga pintuan ng bilangguang ito – kung masasabi man na ito’y isang kulungan – ay bukas.  Bilangguan pa rin, bali-baligtarin man ang mundo.  Sapagkat ang tao ay nakatali dito, di sa mga kadenang bakal, ngunit sa mas matatag pang kadena: ang kanyang karangalan.  Hanggang sa araw na ito, ang Tao’y alipin pa rin, bilanggo ng mandaraya.

Di na rin mapagkakaila na ang Tao, bilang isang alipin, ay nahawa sa asal ng alipin.  Walang duda na matapos ang tatlong siglo ng pagkakadena: walang kalayaan, walang kalayaan, walang pag-asa, nawala na sa kanya ang walang-takot na tindig ng isang malayang maharlika at naging ang pagod, uugod-ugod, tamad, mabisyo, at kaawa-awang bagay na kanyang kinakatawan ngayon!  Sino ba ang magsasakdal sa kanya, sino ang maghahabla’t magpaparatang sa Taong ito, na linupig ng tatlong siglo ng pang-aapi at pagsisiil?  Narito ang Tao ngayong gabi hindi para husgahan, kundi manghusga!  Dinggin niyo ang kanyang pagsasakdal at paghahatol:

Aking isinasakdal ang Kastilang encomendero sa paglikha ng buwis na kay hirap dalhin!

Aking isinasakdal ang mandaraya sa aking pasang mga utang na di kayang bayaran!

Aking isinasakdal ang mga di mapagkatiwalaang pinunong radikal na sumisira, gamit ang mapaglalang na kahusayan sa pananalita, ang pagtitiwala ko sa aking sariling pamahalaan!

Inyong paratang sa akin na di ko itinataguyod ang aking pamilya.  Palayain ninyo ako mula sa pagkaalipin at patutunayan kong nagkakamali kayo!

Inyong parating sa akin na ako’y mangmang.  Ako’y mangmang sapagkat napagpasyahan ng aking amo na ako’y maging mangmang.  Palayain ninyo ako mula sa pagkaalipin at patutunayan kong nagkakamali kayo!

Inyong paratang sa akin na ako’y tamad.  Tamad ako hindi dahil wala akong sariling pagpapasya, ngunit tinanggal ninyo sa akin ang pag-asa.  Bakit pa ako magpapakahirap kung ang bunga ng aking paggawa’t pagpapagod ay magbabayad lamang sa utang at upa na kailanma’y di mababayaran?  Palayain ninyo ako mula sa pagkaalipin at patutunayan kong nagkakamali kayo!

Bigyan ninyo ako ng lupa.  Lupang akin.  Lupang hindi pagmamay-ari’t kikilananin bilang utang na loob sa isang maniniil.  Lupang malaya.  Bigyan ninyo ako ng lupa sapagkat ako’y nagugutom.  Bigyan ninyo ako ng lupa nang hindi mamatay ang aking mga anak.  Ibenta ninyo sa akin, ibenta ninyo sa akin sa isang makatarungang halaga, sa isang halagang usapan ng malalayang tao, hindi ng panloloko ng mandaraya sa isang alipin.  Ako’y dukha, ngunit babayaran ko ito!  Magtratrabaho ako, magbabanat ng buto hanggang tuluyang mapagod ako para lamang sa aking mga karapatan, ang kalayaang di maikakait at di maitatanggi kaninuman.

Ngunit kung hindi ninyo maibibigay ito sa akin… kung di ninyo mapagkaloob sa akin ang huling hiling na ito, ang pangunahing pangangailangan na ito, magtayo ka na ng pader na papaligid sa iyong bahay.  Taasan mo, palakasin at patatagin mo.  Maglagay ka ng bantay sa bawat pansanggalang!  Sapagkat ako na nanahimik sa loob ng tatlong siglo ay kakatok sa bahay mo ngayong gabi sa iyong piging, dala ang aking iyak at bolo sa iyong pinto.  Nawa’y may awa ang Diyos para sa iyong kaluluwa!

Marck

ID for almost everything: @marocharim

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *