Sa Lilim ng Anino ng Rebulto ni Señor Felipe II, Rey de España

Ito ang nakita ko sa Intramuros.  Ang rebulto ng dating hari ng Espanya – si Señor Felipe II – at ang mag-inang nagpapahinga sa lilim nito.  Hindi sa duyan, hindi sa kama, at hindi sa upuan, kundi sa karton na inilatag lamang sa plaza.  Hindi sila humingi ng abuloy o limos sa amin; kuntento na lamang sila na may lugar na pwede silang magpahinga, sa isang lugar na malayo sa mainit na sinag ng araw sa Maynila.

Napaisip ako kung bakit dito sila nagbakasakaling magpahinga.  Tahimik ang Maynila sa Linggo; walang trapik, walang tao.  Kung gusto nila ng lilim, maaari naman siguro sa lilim ng mga puno o di kaya’y sa pintuan ng mga bangko.  Kung gusto nila ng limos, maaari silang humingi ng abuloy sa mga tao sa mga kapihan at kainan.  Siguro, gaya ng marami dito sa Maynila, pagod lang sila.  Pagod siguro ang ale sa kakabenta ng kendi at sigarilyo, o pagdidilihensya sa mga motorista.  Ngunit bakit dito?  Bakit pa sa paanan ng hari ng isang kaharian na, minsan sa kasaysayan, naging amo ng ating bansa?

Daang taon na ang nakalipas nang tayo’y maging malaya.  Sa puntong ito, marami siguro sa inyo ang may iba’t-ibang pangangahulugan sa kalayaan; mga debate at diskurso sa kung tunay nga ba tayong malaya.  Ngunit ang kakayanan at kakayahan nating pag-usapan ang diwa o konsepto ng kalayaan ay isa na ring halimbawa ng ating pagiging malaya, tulad na lamang ng limang Indio na naglalakad sa Intramuros sa araw ng Linggo at di kailanman hiningan ng cedula.  Sa bansang Pilipinas, malaya ka.  Malaya kang iboto ang kung sinuman ang gusto mong iluklok sa pwesto.  Malaya kang mamasyal kung saan mo gusto.  Malaya kang gumastos sa pangangailangan mo at gayundin sa kapritso mo.  Ngunit sa dinami-dami ng mga karapatang inihahayag at inihahapag sa atin bilang mga malayang Pilipino, mayroon tayong mga karapatan at kalayaan na nalilimutan, ngunit siya ring ito, tayo’y pinalilibutan.

Malaya tayong magutom.  Malaya tayong mawalan ng disenteng trabaho.  Malaya tayong matulog sa lilim ng rebulto ng isang hari dahil wala tayong matutuluyan, at malaya tayong maglatag ng karton sa plaza dahil wala tayong matutulugan.  Hindi dahil tayo’y tamad, hindi dahil tayo’y indolente, at hindi dahil tayo’y ignorante.  Ito ang kalayaan na inihahayag at inihahapag ng ating amo ngayong tayo’y malaya na.  Ang amo na ito ay ang kahirapan.

Kailanma’y hindi magiging lunas sa kahirapan ang paghalal ng bagong Pangulo.  Ang isang sistemang umiikot sa pagpapayaman ay kailanma’y alipin na mismo ng kahirapan.  Walang sagot sa kahirapan kung ang sistema mismo’y umaandar, uma-abante, at rumaratsada dahil kailangang may mga naghihirap, may nagugutom, at may nagdarahop.  Kung ang Pangulo at mga lider na ating ihahalal ay magsisilbing daan natin tungo sa isang lipunang wasto at makatarungan, ito ay dahil sila ay bukas sa pananaw at prinsipyo na ang kahirapan ay hindi lamang isang personal na kagagawan; ito ay pananagutan ng lipunan.  Kung ang mga lider na ating ihahalal ang silang magiging “sagot sa kahirapan,” ito ay dahil naniniwala sila na hindi ang mukha at pangalan sa puder ng kapangyarihan ang dapat baguhin, kundi ang sistema.  Hindi maaaring malutas ang problema natin sa kahirapan kung patuloy tayong naniniwala na dapat, may maghirap sa atin.

Hindi ko alam kung ano ang solusyon dito.  Hindi ko kailanman ginamit ang kataga o salita na ako ang sagot, o ako ang may sagot, sa kahirapan.  Umaasa ako na kung sinuman sa mga tatakbo ngayon ang may talino, yaman, pangalan, kakayahan, at basbas ng Diyos, na hanapin ang kasagutan dito, at maghanap ng sistemang nararapat at angkop sa problemang hinaharap ng mamamayang Pilipino.

Nag-iwan ako ng kaunting barya sa kanilang lalagyan, at nagbago ang isip ko tungkol sa halalang ito.  Kung ang hihingin ko lamang sa mga tatakbo ay plataporma at opinyon, di ako makakalaya sa pagkagapos sa kahirapan.  Ang dapat kong hingin ay isang radikal na pagbago sa sistema ng pulitika, ng ekonomiya, ng lipunan, na wala na dapat matulog sa karton sa lilim ng isang rebulto.  Hindi dahil sa talino, hindi dahil sa kayamanan, hindi dahil sa pangalan o kakayahan o hindi dahil sa basbas ng Diyos; kundi dahil ang sistema natin noon ay ang sistema pa rin natin ngayon.  May naghihirap dahil may yumayaman.  May yumayaman dahil may naghihirap.

Ganoon pa rin, simula’t sapul pa sa unang krus na itinayo ni Señor Felipe II, Rey de España, sa kapuluang ito.

Marck

ID for almost everything: @marocharim

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *