Huling Alay Kay Cory Aquino

Pumanaw na si Cory Aquino. Pinaglamayan, binigyang-pugay, at inilibing na ang isang simbolo ng kalayaan, kapayapaan, at demokrasya sa Pilipinas, kung hindi man sa mundo. Tapos na ang isang madamdamin at makahulugang bahagi ng kasaysayan. Sa kanyang puntod sa sementeryo ay naiukit na di lamang ang kanyang pangalan, kundi ang kanyang mahalagang kontribusyon sa kasaysayan ng Pilipinas.

Bukas, marahil, babalik sa dati ang mga bagay-bagay. Nariyan pa rin ang mga kurakot na pulitiko, kurap na opisyal sa gobyerno, at kung anu-ano pang sakit at sugat ng lipunang Pilipino na hindi nabigyang-lunas ng EDSA at People Power. Ang mga kuwento’t balita sa pahayagan bukas ay mga pagbabalik-tanaw ng isang kahapon na, kahit papaano, binigyang-pugay natin ang isang Pangulong napakahalaga sa atin. May mga magtatanong: bakit nga ba natin pinarangalan si Cory? Ano nga ba ang kanyang pinakatangi-tanging kontribusyon sa Pilipinas? May nagawa nga ba siya? Eh ano ngayon, naghihirap at maghihirap pa rin tayo.

Bukas magsisimula ang paghahatol ng kasaysayan ni Cory. Marahas – at sa isang banda hangal – na hukom ang kasaysayan. Hindi natin alam kung tama nga ba tayo ngayon sa mata ng kasaysayan para umiyak at humikbi at sumigaw para kay Cory. Baka nga may nakalimutan tayo, o pilit na kinalimutan. Baka ang pagpaparangal natin kay Cory ay matatakpan lamang ng anino ng mga bagay-bagay na ating ginamit para siya’y kundenahin noon. Pagbabakasakali… iyan nga ang diwa at pamamaraan ng kasaysayan.

Ngunit ngayon ay panahon ng pag-aalay para sa nawalay. Sa kanyang pagpanaw, kahit papaano, napag-isa ni Cory ang bansang watak-watak. Isang bansang suko na, at sukang-suka na, sa mga pangakong napako sa kabila ng higit dalawampung taon ng kalayaan mula sa isang tao na, ayon sa kasaysayan, ay isang mapanupil na diktador. Ngayon ay panahon ng pag-aalay at pagkakaisa at, kahit papaano na rin, pagpapatawad. Sa limang araw ng kanyang burol, dinalaw si Cory ng kaaway at kaibigan, ng mga taong malapit sa kanya at mga taong napalapit sa kanya. Dinalaw siya ng mga dayuhan, at binigyang-pugay ng kanyang mga kababayan.

Ngayon, higit sa anumang panahon, ay isang araw ng pagbibigay-pugay at pakikidalamhati. Sa pagpanaw ng isang tao, panandalian nating ipagpapaliban ang paghuhukom ng kasaysayan para igalang ang alaala ng yumao. Siguro sumobra para sa ilan ang pagbibigay-pugay, at siguro sa ilan ay kulang pa ito. Isa muli itong pagbabakasakali na hindi pa huli ang panahon para sa paggalang, at hindi pa huli ang lahat para sa pagbabago. Sana, sa pagpanaw ni Cory, higit na liliyab sa ating mga puso ang mga damdamin at paniniwala sa mga bagay na mas malaki sa ating pang-araw-araw na pangangailangan. Mga bagay tulad ng kalayaan, katarungan, at ang ating bayan. Na sana, pagbabakasakali lamang na bukas, sa makalawa, at hanggang sa ating huling hininga, mabubuhay tayo upang ipaglaban ang mga ito.

Pumanaw na si Cory Aquino. Pinaglamayan, binigyang-pugay, at inilibing na ang isang Pangulo, isang ina, isang asawa, isang babae. Tapos na ang isang madamdamin at makahulugang pagdiwang ng kanyang buhay, at ng kanyang inialay sa kanyang bansa. Marami nang naisulat at nasabi para sa kanya. Ngunit ang huling alay na ito ay nagsisilbi lamang na isang munting pagpapasalamat. Na ngayon, higit sa anumang panahon sa higit dalawampung taon ng isang bagong Republika, napagkaisa tayo ng pagpanaw at pakikipagdalamhati sa isang babaeng mahalaga sa puso at diwa ng bawat Pilipino.

One thought on “Huling Alay Kay Cory Aquino

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *