Ang Pagpapakatotoo ni Rustom Gandanghari

By in
2 comments

Pasensya na, minsan lang ako magsulat sa wikang Filipino, balu-baluktot pa.  – Marocharim

36513_eb7122fa94175e9f8060a3384c6108bf“Totoong tao.”  “Matapang.”  Ilan lamang iyan sa mga bansag ngayon sa isang taong dati nating kilala bilang Rustom Padilla.  Ngunit ayon sa babae sa telebisyon, “patay” na daw si Rustom; ang dati nating kinikilalang makisig at matipunong bida ay ngayon naging bidang bading… transgender… kung anuman ang kanyang sekswalidad.  Ang pagpapakatotoo niya: hindi siya si Rustom, kundi si “Bebe Gandanghari.”

Hanga ako kay Rustom.  Di madaling bagay na maging isang bading- o transgender – sa isang lipunang kumukutya sa mga taong hindi maikakahon sa “lalake” o “babae.”  Naniniwala akong matagal na proseso at pag-iisip ang kanyang dinaanan, at hanga ako na bagamat siya’y kutyain, siya’y naninindigan sa kanyang ginawa.  Iiwan ko na lamang kay Rustom – kay Bebe – ang kanyang pansariling dahilan sa kanyang desisyon sa buhay.  Wala akong hinihingi para sa kanya kundi ang kanyang kalusugan.

Ngunit sadyang nakalulungkot isipin na ang pagpapakatotoo niya – bilang isang babae – ay siya lamang “pagpapakatotoo” ng aking pagiging isang “hipokrito.”  Kailan nga ba ako magiging “totoong tao?”  Kailang nga ba ako magiging “totoo?”  Ang katotohanan nga ba ng aking pagkatao ay nasusukat sa aking sekswalidad?

Magiging totoong tao ka nga ba kung ikaw ay umamin at lumantad sa pagiging isang bading?  Ang sekswalidad nga ba ng isang tao ang siyang tanging sukat ng pagkatao?

Komportable ako sa aking pagiging heterosekswal.  Hindi hipokrisiya o kasinungalingan na sabihin kong kailanman hindi ako nagkaroon ng pagnanasang-laman sa kapwa ko lalake.  Hindi hipokrisiya o kasinungalingan na sabihin kong likas sa akin ang magmahal at magnasa sa babae.  Isa akong heterosekswal na tao, at hindi iyong hipokrisiya.  Hindi iyon kasinungalingan.

“Totoong tao.”  “Matapang.”  Sinukat natin ang pagkatao – ang pagiging tao – ng isang Rustom Padilla batay lamang sa kanyang sekswalidad.  Sa dinami-dami ng kahon na pwede nating paglagyan sa isang napakagaling na aktor… aktres… kinahon natin siya sa kanyang sekswalidad.  Kinahon natin ang katotohanan ng kanyang buong pagkatao, ang kanyang pagiging totoo, dahil lamang sa kanyang pagdadamit-babae.  Dahil sa pagganap bilang babae di lamang sa pinilakang tabing, kundi na rin sa totoong buhay.  Dahil dito, “totoong tao” ang isang Rustom Gandanghari.

Kung tutuusin, totoo nga; sa isang lipunang mababa ang tingin sa mga bakla, lesbiyana, at transgender, isang tagumpay ang paglalantad ni Rustom sa kanyang sekswalidad.  Isa itong hakbang tungo sa pagtigil ng diskriminasyon sa mga taong di nakukulong sa pagiging heterosekswal na babae o heterosekswal na lalake.  Na hindi tumitigil ang usaping sekswal sa usapin ng puke at suso, titi at bayag.

Ngunit matanong ko lang: ano ngayon?  Ang sekswalidad ay hindi usapin ng ari, at hindi usapin ng pangalan.  Ang pagkatao ay hindi usapin ng sekswalidad.  Dahil kung nagtanggalan tayo ngayon ng ari, pare-parehas tayong lahat na tao lang.  May pangalan.  Kung nagtanggalan tayo lahat ngayon ng ating mga ari, meron tayong isang taong kikilalanin bilang Rustom Padilla.

Kung tutuusin, ang paglalantad at pagpapakatotoo ni Rustom ay isang pansariling desisyon.  Ano pa nga ba’t “patayin” ang pagkatao ng isang Rustom Padilla para lamang kay Bebe Gandanghari… ano ang “totoo” doon?  Sino nga ba ang taong ating pinatotohanan, sino nga ba ang tunay, sino nga ba ang ating dapat respetuhin bilang totoong tao?  Ang maskara at ilusyon na si Bebe Gandanghari, o ang Rustom Padilla sa ilalim ng balatkayong ito?

Ang totoo’y walang binago si Bebe Gandanghari sa mundo.  Si Bebe Gandanghari ay isang pagpapatunay lamang na hindi tayo handa – bilang mga tao, at bilang isang lipunan – na tanggapin ang isang bading.  Hipokrisiya at kasinungalingan ang nananaig sa isang lipunan na hindi tatanggap ng isang Rustom Padilla – bading na aktor, lalake ang anyo ngunit babae sa puso – na kinakailangan pa ang isang Bebe Gandanghari upang patotohanan ang sekswalidad.  Ang ating pagsamba at pagkilala sa “pagiging totoo” ni Rustom – ni Bebe – ay nasa konteksto na tinalikuran ng isang totoong tao ang kanyang pagkatao para mapatotohanan ang kanyang sekswalidad.

Hipokrisiya?  Kasinungalingan?  Alin ang totoo?

Ano ngayon ang katapangan?  Ano ngayon ang ating hinahangaan?  Ang balatkayo, o siyang nagsusuot nito?

2 comments on “Ang Pagpapakatotoo ni Rustom Gandanghari”

    • raky king
    • January 19, 2009
    Reply

    Go girl.,.. ang tapang ni Rustom Padilla para gawin nya ang bagay, na yun,. considering the fact that his family, is wll known as aztig,,,,, I’m very proud of him,,. But the first time i heard him in the buzz, I was really shocked,. Muntik pa nga akong mabulnan NApa OMG talaga.,, Then I compared his photo, when he was a hunk at sake sa pics nya ngayon,. ang layo talaga,,. but satill I’m proud of you girl….

  1. Reply

    I first saw the news on TV when she arrived from New York. Ang ganda niya. At least she is true to herself and hopefully happier this time.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *