Manggugulo Lang Po

By in
No comments

Sabi mo, sana balang araw, huwag na akong magkaroon ng hinanakit sa Gobyerno.  Nanggugulo lang ako  Magtrabaho na lang ako, magsikap, at huwag ko nang batikusin ang pamahalaan o ang Pangulo.  Sa bagay, tama ka naman.  Di ko masisisi ang lahat ng ito sa Gobyerno, lalung-lalo na ang kondisyon ng kamay ko.  Tama ka.  Nanggugulo lamang ako. Nagtratrabaho, nagsisikap, ngunit nanggugulo pa rin.

Sana makita mo ang kondisyon ng mga kamay ko, at maranasan ang sakit na nadarama nito.  Mahirap maging manunulat.  Di ko ito sinisisi sa Gobyerno; tutal, kasalanan ko ito. Di kasi maayos ang posisyon ng mga kamay ko tuwing ako’y nagsusulat.  Kung sana hindi ko na iniintindi yun, di ko na sana binabalot ang mga kamay ko pagsapit ng gabi, para naman meron akong sariling problema na pwedeng-pwede akong umangal.  Na pwede akong mag-emo.

Pero ano nga ba naman ang sakit sa kamay kung nakikita mo ang pagdurusa ng kapwa mo Pilipino na mas malala pa ang dinaranas kaysa sa iyo?

Malamang, di rin kasalanan iyon ng Gobyerno.  Kasalanan nga ba nilang maging mangmang, maging mahirap, magkaroon ng maraming anak?  Oo na, katangahan na nila siguro iyon, dahil ikaw, bilang isang mabuting mamamayan, ay nagtratrabaho ng walong oras at nagsasaya pagkatapos.  Ako, matagal na oras ang ginugugol ko sa trabaho ko at pinagbubutihan ko iyon gaya mo.  Siguro mas masipag pa ako kumpara sa iyo, o baka daig mo pa ako.

Ngunit mas pinipili kong may gawin na maliit na bagay sa sarili kong oras para baguhin ang Sistema; hindi dahil bayani ako, dahil sa totoo lang: gusto kong guluhin ang buhay mo.

Nanggugulo lang ako.  Di tulad ng isang sakadang nagtratrabaho sa lupang hindi kanya, para sa aning hindi kanya.  Di tulad ng isang OFW na nag-aalaga ng anak na hindi galing sa sinapupunan niya, at taumbahay lamang ang tingin sa kanya.  Di tulad ng isang estudyante na naglalakbay ng kilometro sa daang putik, may baon lamang na malamig na kanin, at nag-aaral sa lilim ng punong mangga.  Di tulad ng isang manggagawa sa pabrika na kakarampot na benepisyo ay ikinakait pa sa kanya, at mga buwis na binabayad niya’y kinukurakot lamang ng isang kurap na Gobyernong walang pakialam sa kanya.  Mga taong gaya mo, di naghahanap ng gulo.  Ngunit di gaya mo, naghahanap sila ng hustisya, ng katwiran, ng pagtutuwid sa kamalian ng isang lipunang walang pakialam sa kanila.  Dahil sa lipunang ito, mas importante ang problema mo sa pag-ibig.  Mas mahalaga yung nag-break kayo ng ex mo.  Ang sakit eh.  Ano nga ba ang impeachment kung ang tagal nyo na tapos break lang patutunguhan niyo ni Bhe, diba?

Di ko sinasabing hindi mahalaga yung mga bagay na iyon.  Praning lang ako.  Nag-iisip lang ako para sa iyo.  At tulad ng inaasahan, mali ako.  Siguro, minamaliit kita.  Ini-ismall ko ang kakayahan mong mag-isip para sa sarili mo at ang kakayanan mo sa lipunang ginagalawan ko.  Pero kung yun ba naman laging laman ng Multiply mo at ng usapan natin, eh siguro di mo na ako masisisi.  Tutal, pare-parehas lang din lang naman laman ng blog ko at ng usapan natin, eh siguro di na kita masisisi.

Kung ako lang ang tatanungin mo, dapat hindi ko ginagawa ito.  Dahil sa totoo lang, wala dapat akong pakialam kung gaya mo akong mabuting mamamayan.  Dapat ngayon pinaparinggan ko ang sarili ko – at hindi ko pa hinihintay o pinakikinggan ang mga parinig mo – dahil nagrereklamo at umaangal ako at iniistorbo ko ang kapritso mo.  Ginugulo ko ang buhay mo.  Sayang lang ginugugol mong panahon para saming manggugulo.  Sayang oras mo sa DoTA.  Sayang oras mo sa Venti mocha frappucino.  Para kasing nalulugi ka eh.

Dahil sa totoo lang, wala dapat akong pakialam sa iyo.  Lalung-lalo na sa problema mo sa Friendster kasi nag-brownout sa California.  Lalung-lalo na sa sticker mo para sa Starbucks planner mo kasi di masarap ang Toffee Nut Latte.  Hindi dahil may problema ako sa iyo bilang tao, pero dahil sinasayang ko lang siguro ang mga ugat ng kamay ko.  Eh magkano din ang painkiller at gloves at kung ano pang anik-anik na ginagamit ko para maibsan ang sakit ng kamay ko pagsapit ng gabi?  Sabay magsusulat pa ako ng pambabatikos at pang-destabilize.  Para kasing nalulugi ako eh.

Pero paano ba yan?  Sarap guluhin ng buhay mo; buhay mong nakatago sa belo ng mga kapritso at ilusyon na lahat ay OK lang.  Hindi eh.  Lahat ng problema mo at problema ko ay nakapaloob sa iisang Sistema, sa iisang konteksto, na bagamat di ka nasasaktan at di ka naaapektuhan, marami sa kababayan mo ang dehado sa laban.  Sila dapat ang umaangal, hindi ikaw, at lalung-lalo nang hindi ako.  Kaya ko to ginagawa kasi nariyan ang tawag na tumayo para sa kanila.  Para maayos-ayos naman ang buhay nila.  Para sa konting ginhawa sa kaalaman na may nakikibahagi sa galit na lumiliyab sa puso’t damdamin nila.  Para kasing nalulugi sila eh.

Sabi ng doktor ko, tama na.  Sinasaktan ko lang ang sarili ko at baka ma-pingkaw pa ako pagtanda ko.  Dapat nga di ko ginagawa ito eh.  Pero alam mo kung bakit?  Dahil nananaig pa rin sa konsensya ko na walang kwenta ang sakit sa kamay ko kumpara sa dinaranas ng mga kababayan ko.  Sakit na dulot ng isang mapanupil na Gobyerno, mapang-aping Sistema, at isang Pamahalaan na walang pakialam kung naghihikaos ka o kung may laman ang tiyan mo, basta ramdam mo ang kaunlaran.  Para kasing nalulugi tayo lahat eh.

Di kasi ako “positive thinker” gaya mo.  Dapat sinusunod ko na lang siguro ang payo mo.  Sa bagay, pare-pareho lang naman tayo na may inaatupag. Yun nga lang, ginugulo kita.  Pasensya na, nanggugulo lang po.

Kaya pasensya na kung ginugulo ko buhay mo, o panira ako sa araw mo. Alam ko namang may kanya-kanya tayong paninindigan.  Sana ikaw, ginugulo mo din buhay ko.  Sana ikaw, may ginagawa ka para may mabili ang piso mo para sa kapritso mo, para maging ka-Friendster mo si Madam President na iniluklok sa pwesto niya dahil sa Diyos.  Dahil di man kasalanan ng Gobyerno o ng Sistema ang lahat ng sakit na ito, siguro hindi kasalanan ang maghanap ng katuwiran at hustisya para sa mga pangyayaring ito.  Na sana, sagutin nila ang pananagutan nila sa akin, sa iyo, sa kanila, sa atin.  Sana kahit papaano, kahit di man ako panig sa paniniwala mo, may sakit ka ring nararanasan dahil sa ginagawa mo para sa bayan mo.  Para walang lugi.  Para walang angal.  Para walang gulo.

Kaya pasensya na kung gingulo ko buhay mo.  Di bale, di ko muna ipapagamot ang sakit na ito.  Wala ito kumpara sa sakit na nadarama ng kapwa ko Pilipino.  Wala ito kumpara sa kapritso mo.  Pasensya na.  NANGGUGULO LANG PO.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *