Konsepto ng Pila

By in
One comment

   Maiba naman tayo: pagpasensyahan niyo na ang balu-baluktot kong Filipino.

   Sa aking pagmumuni-muni sa mga napag-aralan ko noong kolehiyo, naisip ko na mahilig ang isang sosyolohista o antropologo sa malalalim na dahilan ng mga problemang panlipunan.  Ngunit ang mga sopistikadong pagkakahulugan sa mga problemang panlipunan ay karaniwa’y hindi ang tamang pagkakahulugan.  Kungsabagay, madali lang naman sisihin ang “Sistema” sa lahat ng problema natin: di rin ba tayo sistema?  Istruktura na lang ba ang nagdidikta sa atin?  Sadya na bang ganito ang krisis ng ating pagkatao, na wala tayong kinalaman sa problema ng ating sariling istruktura?  Biktima na lang nga ba tayo lagi?

   Hindi ko yan kailanman matatanggap, ke sosyolihista ako o manunulat.

   Di ko rin matanggap na walang disiplina ang Pilipino.  Hindi ba disiplina ang magising nang maaga, mag-overtime sa trabaho, o magpuyat sa pag-aaral?  Sa akin lang naman, wala lang tayong konsepto ng pila.

   Gasgas na linya, pero yun nga yung masaklap, yun yung masakit.  Wala tayong konsepto ng pila.  Noong Lunes, nagkaroon ng welga ng mga pampasaherong sasakyan.  Payag na sana akong mahuli sa trabaho dahil walang sasakyan, pero meron namang MRT.  Kaya lang naman ako nahuli ng ilang minuto – at minu-minuto ding kaltas sa sweldo iyon – dahil walang konsepto ng pila sa MRT ke may welga o wala.  Walang diretsong pila, walang bangking na pila, walang pila.

   Kanina, pipila din sana ako sa may ATM para mag-withdraw ng pera.  Dalawang daan lang naman sanang ilalabas ko dahil sa katapusan pa ako susuweldo, at kumakalam na rin sikmura ko sa 12 oras ng trabaho.  Nakapila na ako’t lahat lahat sa may ATM, pero biglang may babaeng sumingit.  Ayun: bigla na lang sumingit lahat.  Nawala na parang bula ang puwesto ko sa pila.

   Natanong ko sa sarili ko: Pilipino pa rin ba ako dahil may konsepto ako ng pila at dahil pumipila ako?  Parang masakit yung tanong, pero gaano nga ba ka-totoo iyon para sa aming may pasensya at respetong natitira sa sarili para magkaroon ng espasyo?  Mas masakit na tanong: ano ba talaga ang pila?  Bakit ba kinakailangan pa minsan na lagyan ng mga pang-harang ang mga lugar na dinadaluyan ng tao?

   Minsan naiisip ko kung talaga bang problema natin ang NBN-ZTE, o kung meron pa ba tayong pag-asang manalo sa Miss World.  Kumpara sa malaking problema na wala tayong konsepto ng pila, parang mani-mani rin lang pala ang kurapsyon sa gobyerno.  Kung ang “pila” ay nangunguhulugang “disiplina,” sus, ang laki ng problema natin.  Di talaga tayo uusad bilang isang bansa.  Bakit, kailan pa ba tayo gumawa ng masama para bigyan ng “disiplina?”

   Sabi nila, sa kangkungan na pupulutin ang Pilipino.  Mga kapwa ko Pinoy, may pila din po doon.  Sana doon, malaman na natin ang halaga ng pila.

1 comments on “Konsepto ng Pila”

    • Velvet
    • March 15, 2008
    Reply

    Check!
    Correct!
    Filipinos have no concept of lines – this I assume to be – for they do not care about their fellowmen.
    Basta mauna.
    Huh.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *